Tiningnan ni Jenny ang kanyang kapatid na nagpapahinga sa sala; kababago lang nito dumating sa kanilang camping trip.
Nagpapasalamat siyang ligtas itong nakauwi at bumalik sa kanila na walang kapahamakan nangyari. Minsan, sa premonition niya ay kabaliktaran ang nangyayari o kaya’y matagal pa itong mangyari sa isang tao.
Okay lang na mali ang nakikita ko sa premonition; ang mahalaga’y ligtas ito, pati na si Ruth. Napasabi sa kanyang isipan noon.
"Ate, mauna na muna akong matulog, napagod ako e." Sabi nito na ngiting tipid lamang ang namutawi nito.
"Sige, magpahinga ka na muna." Iyon lang ang tanging napasabi niya noon.
Tumango ito, at agad dumiretso sa kanilang kwarto.
Humila siya sa manggas ng damit niya, at tiningnan niya kung sino ang humila ng kanyang damit. Tiningnan niya si Greg na palaging sinusulyapan ang likod ni Thalia.
"Bakit?" Tanong naman niya sa bata.
"Ate," parang natatakot ang boses nito. "Bakit maraming nakasunod kay ate?" Tanging napatanong ito sa kanya.
"Sinong sumusunod kay ate Thalia mo?" Napatanong naman niya sa bata na umalerto dahil sa narinig niya.
"Mga babae, nakakatakot ang anyo nila, nakakatakot ang mga nakaraan nila, hindi sila titigil kung hindi makakamit ang hustisya." Sabi pa nito.
Napalunok naman siya noon. Hindi na siya nagsalita pa. Kaya naman, pinapakalma na lamang niya ang kanyang kapatid na lalaki.
"Guguluhin nila si ate Thalia, may alam si ate Thalia."
Naguguluhan na siya; alam niyang may nangyari kay Thalia sa camp, ayaw lang nitong magsalita sa kanila. Kilala niya si Thalia; kapag tahimik lang ito, ayaw na ayaw nitong mag-aalala ang kapatid niya at siya.
Anong nangyari? Napasabi sa kanyang isipan.
Nagkakaroon na naman siya ng premonition; nakita niya ang kanyang kapatid sa malaking puting bahay, tila may minamanmanan ito; may nakita siyang may mamamatay nitong schoolmate, hindi niya kilala ang babae sa premonition niya.
Napasinghap na naman siya ngayon. Sunod-sunod ang premonition niya. Nakita niya rin ang kanyang nakatatandang kapatid na may tinutulungang isang tao.
Mas lalo siyang nagimbal, nakita niya ang kanyang sarili sa premonition niya, parang may hinahanap siya ng isang bagay, hindi niya ito tahanan, pamilyar ang lugar na iyon sa kanya, hindi niya maalala kung saan niya ito nakita.
Marami ang madadawit. Napasabi sa kanyang isipan.
Alam niya sa kanyang sarili, binabalikan sila ng karma sa pagkamatay ng dalawang magkakapatid.
Karma? Patas lang ang nangyari sa pamilya namin; pinatay nito ang pinsan namin, buong pamilya. Napasabi niya sa kanyang isipan na napakuyom sa kanyang palad.
Nakausap na niya ang kapatid niyang lalaki; nalaman niyang may haka-haka si Felix sa biglaang pagkamatay ng kanyang magulang. Alam niya rin sa kanyang sarili na hindi aksidente iyon. Hindi lang niya makita sa kanyang abilidad.
Dahil ang abilidad niya lang ay makita ang mangyayari pa lamang. Ayaw niyang tanungin ang bunso niya, dahil natatakot ito sa nakikita nito. Kaya naman, sinasamahan niya lang itong matulog, o kaya’y tinatabihan nito para makatulog ito nang mahimbing tuwing gabi.
Binalikan niya sa premonition niya na may mamamatay itong schoolmate ni Thalia; nakikita niyang binaril ito bago pa lamang makapasok sa bahay nito. Nakita niyang naka-hood ito, nakatago ang mukha, nakikita niyang ngumingisi lang ito habang naghihingalo.
Hindi niya kilala ang babaeng nasa premonition niya, pero ito ang magbabadya sa lahat ng mangyayari; tila ito’y isang mitsa ng mga pangyayari.
Napansin niyang natutulog na si Greg. Ayaw na lamang niya itong gisingin, dahil alam niyang hindi na naman ito makatulog. Nasa sala pa sila ni Greg, naghalumbaba siya noon.
May anino siyang nakita, kaya naman napakunot ang noo niya, dahil silang tatlo lang naman sila sa bahay ni Thalia.
Dumaklot ang kaba niya sa kanyang dibdib. Pagtingin niya, wala namang tao.
Naglalaro ba na naman ang emosyon ko? Napasabi sa kanyang isipan.
Maya-maya pa’y dumaan, may biglang dumaan sa kanyang harapan.
Napalingon naman siya noon. Nagtataka na siya sa kanyang paligid.
Pagharap niya para tingnan si Greg na natutulog. May nakita siyang isang babaeng nakalutang sa hangin na nakatingin kay Greg.
Unti-unting lumingon sa kanya, napasinghap siya nang kanyang nakita, tila hindi siya makahinga nang mabuti, tumutulo ang dugo nito, nakalutang lang ito, nakasuot ito ng isang damit na tila maraming mga gusot at lukot.
Bigla itong lumapit sa kanya. Tila bubulong ito.
Huwag na ninyong paramihin ang mga biktima. Tama na. Tulungan mo siya. Rinig nito na tila’y humalo ang boses nito sa hangin, na siyang nagpapataas sa kanyang balahibo.
Walang boses ang lumalabas sa kanyang bibig.
Marami pang mabibiktima, marami pang maghihinagpis kapag nagpatuloy ang lahat. Tila’y nalungkot ang boses nito.
Nakikinig lang siya, pero gusto na niyang sumigaw, pero pinapakalma niya ang kanyang isipan.
Gamitin ninyo ang abilidad na taglay ninyong magkakapatid.
Nawala ito bigla, nanginig ang buo niyang kalamnan dahil sa takot. Napahawak na lamang siya para hindi mawalan ng panimbang sa isang upuan.
Pinakalma na lamang niya ang kanyang sarili, at prinoseso niya ang sinabi ng kaluluwa.
Abilidad ninyo? Napatanong sa kanyang isipan noon.
Alam niyang may abilidad ang kanyang kapatid na si Greg, pero hindi niya alam kung sino ang tinutukoy nito.
May abilidad ba ang kuya Felix? Si, Thalia? Sunod-sunod niyong tanong.
Biglang nawala ang takot niya at napalitan ng katanungan ang dumadaloy sa isipan niya.
Dinadalaw na rin siya ng antok noon; kailangan na niyang matulog dahil marami rin siyang gagawin bukas.
Ang lahat ng mga katanungan niya ay masasagot din sa tamang panahon; hindi niya kailangan madiliin ang mga katanungang nagsusumiksik na sa kanyang isipan. Baka mas lalo siyang mababaliw kapag nagpadala siya sa mga nasa isipan niya.
Bago siya pumasok, agad niyang kinarga ang kanyang kapatid na mahimbing na natutulog sa sala.
Baka, ano pang mangyari? Napasabi sa kanyang isipan noon. Pagpasok niya, nakita niya si Thalia na mahimbing na natutulog sa isang kama nito. Halata ngang napagod ito; hindi na niya tatanungin ang kanyang kapatid kung may nangyari ba rito habang isinasagawa ang camp nito.
Kinumutan niya ito, at agad niyang nilagay si Greg sa tabi niya, at matutulog na rin siya nang mahimbing, kagaya nang nakikita niya sa kanyang kapatid noon.
Ilang araw na rin na maramdaman ni Jasmin na may mga matang nakasubaybay sa kanyang pag-uwi, pati na rin sa pagpasok niya sa paaralan. Nararamdaman niyang minamanmanan siya matapos ang pangyayari sa kanilang camp na nakataas siya sa mga kalalakihan na dumukot sa kanya.
Guni-guni mo lang iyon, Jasmin. Pangungumbinsi sa kanyang isipan.
Pero, nagsasabi sa kanyang isipan na hindi iyon guni-guni. Nais niyang baliwalian ang nararamdaman niya; gusto niyang balewalain na may palaging nakasunod sa kanya kapag mag-isa siyang naglalakad.
Natatakot siya, pero hindi niya ipinahalata sa mga nagmanman sa kanya na natatakot siya, pero sa isipan niya, gustong-gusto na niyang magkulong at hindi na lamang mag-aral. Natatakot siya sa kanyang buhay ngayon.
Hindi niya alam kung paano at sino ang susumbungan niya sa mga nangyayari sa kanya ngayon. Napapabuntong-hininga na lamang, nasa kwarto siya ngayon at nag-iisip kung ano ba ang maaari nitong gawin.
Kailangan kong isumbong ang mga nararamdaman ko ngayon. Napasabi sa kanyang isipan.
Hindi alam ng kanyang magulang na bigla siyang nawala sa camp; hinding-hindi siya magsasalita na muntik na siyang mapahamak at makidnap noon. Hindi na rin niya dinetalye ang mga nadiskubre niya.
Kapag naalala niya ang mga iyon, bigla na lamang nanginginig ang mga palad niya, umukit pa rin sa kanyang isipan na paparusahan o kaya’y di madaling tanggalin ang nararamdaman niyang takot.
Ayoko pang mamatay, gusto ko pang mabuhay. Iyon ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang isipan kapag natatakot siya.
Natatakot na siyang mag-isa sa bahay; natatakot siyang wala siyang kasama maglalakad patungong paaralan. Hindi na bumalik ang normal niyang buhay simula noong nadukot siya.
Nag-aaway minsan ang isip niya, at takot siya kung magsusumbong ba siya sa kapulisan sa mga nangyayari sa kanya ngayon.
Nagtalukbong siya ng kumot, pilit niyang iniwaksi sa kanyang isipan ang takot at pag-aalala na dala-dala niya ngayon.
Isang hapon, mag-isa siyang naglalakad; nag-aagaw na rin ang liwanag at kadiliman noon. Natagalan siya sa pag-uwi dahil may tinatapos silang proyekto na kasama niya.
Hindi na niya pinapansin ang nagmanman sa kanya; natatakot na rin siya. Natanaw na niya ang kalye na patungo sa kanila. Parang takbo – lakad na ang ginawa niya ngayon, lumingon-lingon siya sa paligid noon, pero sa bawat paglingon niya, wala naman siyang taong nakikita.
Habol – habol na niya ang kanyang paghinga at kinakabahan na rin siya, natanaw na niya ang kanilang tahanan, lumuluwag na ang kanyang pakiramdam noon.
Bago siya napahawak sa pihitan ng pinto, may narinig siyang kalabit ng isang baril; naramdaman niyang tinutukan siya nito. Unti-unti itong lumapit sa kanyang tinatayuan. Hindi makagalaw ang buo niyang katawan, abot-abot ang kaba niya, natatakot siya na kapag gumalaw siya, kahit kaunting galaw, nararamdaman niyang manganganib ang kanyang mumunting buhay.
Naramdaman niya ang baril na nasa sentedo niya, malapit na malapit, at napalunok siya. Walang salita’y nakarinig na lamang siya ng isang putok ng baril, naramdaman niyang nahihilo siya, tiningnan niya ang paligid, at mawawalan na siya ng ulirat.
Nanlalamig ang buo niyang katawan, tila nagsitahimik ang paligid niya. Hindi na niya alam ang nangyayari. Sa huling pagkakataon, tiningnan niya ang dugo, dugo na nanggaling sa kanya.
Isang butil ng luha ang pumapatak sa pisngi niya. Hindi siya makapangusap; tiningnan niya kung sinong bumaril. Hindi niya maaninag, papapikit na ang mga talukap niya, hindi na niya kayang huminga, namasdan niya ang ngiti nito na nasisiyahan.
Muli, tumahimik ang paligid.
"----min, Jasmin." May naririnig siyang mga maliliit na boses.
Napabalikwas na lamang siya; nakita niya silang Ellese at Felisa na nag-aalala sa kanya.
Bigla siyang niyakap ni Felisa.
"Kay lungkot, nadawit ka sa gulo, Jasmin." Sabi ni Felisa na nalulungkot.
"Pa --- Patay na ako?" Tanging napatanong sa kanyang isipan.
Tumango na lamang si Ellese na malungkot ang mga mata.
"Bakit nandito pa ako? Taga-sundo ko ba kayo?"
Umiling nang marahan si Felisa. "Ang kagaya natin ay hindi matahimik, alam ko, sa puso at isipan mo, ayaw mo pang tanggapin na sa isang iglap lang ay mawala ang iyong buhay." Paliwanag naman ni Ellese sa kanya.
"Anong magagawa natin? Tayo ay isa lamang kaluluwa sa mundo ng mga taong ginagalawan natin; kakalimutan na lamang natin ang nangyari sa atin." Sabi naman ni Jasmin, kahit sumisigaw ang kaluluwa niya na gusto niyang makamit ang hustisya at hindi niya matanggap na mamamatay siya nang ganoon na lamang.
Sa isipan niya, nagtatanong siya kung paano ba siya maghahanap ng katarungan, kung sa mundo ng mga tao, kapag namatay na ay talo na.
Bigla siyang dinala ni Ellese, nagdilim ang paligid, at nakaririnig siya bigla ng ingay ng tao.
"Saan tayo?" Napatanong niya kay Ellese.
May itinuro si Ellese sa kanya, kaya naman agad niyang tiningnan. Nakaririnig siya ng mga usap-usapan at napalingon siya.
May mga taong nag-uumpukan, tila may tinitingnan, may mga kapulisan, mga taong hindi niya kilala. Umagaw sa kanya ang anyo ng kanilang tahanan. May sariling mga pag-iisip ang kanyang mga paa; namalayan na lamang niyang naglalakad siya patungo sa nag-uumpukan.
Bumibilis ang paghinga niya, nilalamon siya ng emosyon, kahit isa lamang siyang kaluluwa, may nakita siyang nakahandusay.
Lumapit siya, at sa kanyang paglapit, nakita niya ang kanyang katawan na naliligo sa kanyang sariling dugo. Kalunos-lunos ang kanyang anyo. Napansin niyang hindi rin pala sa sentedo siya binaril, kundi pinaliguan siya ng putok ng baril sa katawan niya.
Napailing siya, pumapatak ang kanyang mga luha na ang tanging hangin lamang ang umiihip nito.
"Anak!" Ito ang tanging narinig niyang tawag na galing sa kanyang ama na kagagaling sa trabaho.
"Anak ko! Anong nangyari? Bakit?! Bakit!?" Nakita niyang dinulugan ang walang buhay niyang katawan.
Noong nakita niyang nagwawala ang kanyang ina, mas lalong hindi niya matanggap sa kanyang sarili ang kanyang pagkamatay.
Kay hirap, ang hirap! Ganito pala mararamdaman ng isang kaluluwang pinagkaitan ng buhay na hindi pa handa. Paghihinagpis niyang saad sa kanyang isipan.
May yumakap sa kanya.
"Tayo na." Saad naman ni Ellese.
Naglalakad ulit sila sa kadiliman. Hindi niya alam kung bakit hindi pa rin sila nakaabot kung saan man sila pupunta.
"Isang ligaw na kululuwa na tayo, Jasmin." Sabi pa ni Ellese.
"Kapag bitbit natin ang poot at kapighatian sa puso noong namatay ang katawan natin, maglalakbay ang kaluluwa sa mahabang kadiliman, kagaya ng mga babaeng kasama natin ngayon, pati na ang mga napaslang na hindi matahimik."
Ngayon na lamang napansin na marami pa lang mga kaluluwang nasa harapan nila at sa kanilang likuran.
"Hindi ako maglalakad nang ganito, gusto kong matahimik. Maghahanap ako ng paraan." Bigla na lamang niyang napasabi.
"Napapagod na rin kami, Jasmin, subalit hindi ganoon kadaling hanapin ang liwanag pati na ang pagpapatawad." Nakita niyang napakuyom ito sa palad.
Tahimik lang na naglalakad si Felisa na malungkot ang mga mata.
"Kung gusto mong manahimik, tulungan mo kaming makumbinsi ang mga taong tutulong sa atin." Tiningnan siya nang mataman ni Ellese.
Nanahimik siya na nakasunod sa dalawang kaluluwa.
6Please respect copyright.PENANAUvdogFRjS9


